Pag-ayon ng Kapalaran
Mula sa malayo, pinagmamasdan ko ang mga graduates na nakaupo sa harapan. Suot nila ang kanilang mga toga at ramdam ko ang "atmosphere" ng graduation.
Marso 31, 2011, nasaksihan ko ang graduation ni ate. Nahuli kami nila nanay at ng nakababata kong kapatid na si Jonase sa nasabing event. Buti na lamang at nakarating kami sa PICC bago ang paglalagay ng hood at sabitan ng quadri medal. Dito kasi'y ang mga magulang ang dapat na maglagay ng hood at magsabit ng medalya sa kanilang gumagradweyt na anak. Noo'y palapit na si ate sa aming pwesto. Napakaganda niya at tila napakasaya niya. Sila tatay at nanay naman ay kapwa masasaya rin para sa kanya. Sabay nilang isinuot kay ate ang hood ng kanyang toga at pagkatapos ay sinabitan ng quadri medal. Bakas ang kasiyahan sa mukha ng aming mga magulang. Proud parents talaga. Habang ako naman ay abala sa pagkuha ng mga litrato, naramdaman ko nang unti-unting tumutulo ang aking mga luha, "Huwag muna ngayon... Ano ba 'yan, masyado naman akong maaga umiyak!" Niyakap ko si ate at isa lang ang bagay na tiyak ako noong mga oras na iyon--Proud ako kay ate sa kanyang pagtatapos. :)
At sino nga ba ang hindi magiging proud?
Sa mga oras na iyon alam kong may kapanatagan sa puso nila tatay at nanay. Tatlo kasi kaming mga anak at lahat kami ay pinag-aaral. Ngayon ay nakapagpatapos na sila ng isa, "One down. Two to go," I can only imagine them saying. Alam ko rin na sa mga oras na iyon ay handa na sila para sa pagpasok ni ate sa law school. Isang bagay na pinagpapasalamat ko sa aming mga magulang ay ang walang kapaguran nilang pagpapaaral sa amin. Batid kong mga bata pa lang kami ay inihanda na nila ang perang igugugol nila para sa pag-aaral ni ate ng abogasya, pag-aaral ko ng medisina at pag-aaral ni Jonase ng kung anumang kursong matipuhan niya sa pagtungtong niya ng kolehiyo (na matagal-tagal pa naman dahil maghahayskul pa lamang siya sa susunod na pasukan). Sa pagmumuni-muning ito'y natagpuan ko ang aking sariling pressured sa pag-aaral pero kahit paano'y excited na ring magtapos ng pag-aaral.
"Kailangan kong galingan," sabi ko sa aking sarili. Dito'y nakapagdesisyun na ako. Kung sakaling may bagsak ako ngayong semester (na malalaman ko sa Abril 02), ako na mismo ang magsasabi kay tatay na ilipat ako sa Fatima University para ipagpatuloy ang kurso ko. Ayoko naman kasi na maging pabigat na naman ako sa kanila ni nanay dahil may uulitin na naman akong subject. Isa pa, nakapag-usap na rin kami ni tatay noon na kung bumagsak man ako ulit, hindi na sa UST ipapasok ng hayskul si Jonase kundi sa isang eskwelahang malapit-lapit sa Fatima University. At dahil nga pasado na si Jonase sa UST at masayang-masaya siya doon, pasan ko ang pressure.
Hindi ko matatanggap kung hindi na matutuloy sa UST si Jonase dahil lang sa'kin. Sa pag-aalala kong ito, alam kong kailangan ko nalang umasa sa himala.
"Lord, hindi ko po alam kung ano'ng magiging resulta ng grades ko. Pero alam kong kahit ano pang mangyari, dadalhin Niyo ako sa isang lugar na best para sa'kin. Alam ko na You have prepared my future and I know that it is bright. Kung nakatakda man akong lumipat ng school, I accept it whole-heartedly. Alam ko rin po kasi na by the time na makalipat ako ng school, I can start everything and I can redeem myself. Sasamahan Niyo naman po ako sa adjustments at sa pagkakaroon ng new set of friends, eh. At kung nakatakda man po akong manatili sa UST, thank You po, Lord. Hayaan Niyo pong maipagpabuti ko ang pag-aaral ko. I pray na sa UST pa rin ipasok si Jonase ng hayskul kahit na ilipat ako ng school. Alam ko po kasi kung gaano kagusto ni Jonase mag-aral sa UST. To Your will, I submit myself. Amen."
Tinawag na ang mga estudyanteng magtatapos sa kursong AB Philosophy. De Castro, Julia Carmela Dolfo. Noo'y umakyat na ng entablado si ate. Muli na naman akong naging emosyonal dahil sinyales lamang ito na tapos na nga ng kolehiyo si ate.
Cum laude sanang magtatapos si ate. Kabilang siya sa top 12 sa kanilang klase ngunit ang unang apat lang ang nakakuha ng karangalan. Isa ang Magna Cum Laude at tatlo naman ang Cum Laude. Gayun pa man, proud pa rin ako sa kanya dahil hindi biro ang kanyang pinagdaanan pero nalampasan niya ang lahat nang iyon. Naging mahusay din siyang estudyante sa loob ng apat na taon niya sa kolehiyo. Minsan na siyang napabilang sa dean's lister at kinaya niya ang lahat ng pagsubok na dala ng college life. Hindi na mahalaga kung nagtapos siyang may karangalan o wala dahil ang importante'y naka-gradweyt siya on time. Tunay ngang nakaka-proud.
Nabaling ang atensyon ko sa medalyang nakasabit sa kanyang leeg. Buti pa si ate, may medalyang naisabit sa kanyang leeg. Maipagmamalaki niya sa kanyang mga magiging anak na kabilang siya sa mga quadricentennial graduates. Habang ako, wala man lang medalyang maisasabit sa'king leeg sa taong 2013. Naisip ko na kahit gaano kahirap ay kailangan kong galingan. Batid kong malabo nang magtapos pa ako sa kolehiyo nang may karangalan kaya ang layunin ko nalang ay makapagtapos din on time. "Posible kayang grumadweyt ako on time?" tanong ko sa aking sarili. "Kaya 'yan! Mapasa ko lang itong semester, pinapangako kong tutuluy-tuluyin ko na ang pagpasa hanggang fourth year... Hanggang maka-gradweyt ako sa March 2013 kasabay ng mga friends ko!" Alam kong kakayanin ko kahit na naong pagsubok ang dumating sa akin. Hindi ako ilalagay ni Lord sa isang sitwasyon na hindi ko kakayanin.
At ayun nga't nakatapos na si ate ng fourteen years na pag-aaral (anim sa elementarya at tig apat sa hayskul at kolehiyo). Ako naman ang susunod. Dalawang taon nalang at hindi na ako makapaghintay. Pero dalawang taon na nga lang ba o baka naman bumalik pa ako ng 2nd yr pagnalipat ako sa Fatima. Ay basta, gagalingan ko para kahit isang taon ako ma-delay, maging doktor pa rin ako nang bata pa.
Nakabili na ng condo unit sila tatay na malapit sa UST. Kaya gusto niya rin na hangga't maaari ay lahat kami'y magtapos sa UST para hindi naman masayang ang condo. Pero sa lagay ko nga, hindi ako sigurado. May naisip akong tatlong bagay na dapat magsiayunan sa bawat isa para malaman ko kung nakatakda ba akong magtapos sa UST o hindi. Kaya kung mangyaring sinangayunan ng kapalaran ang mga sumusunod, baka nga I am made for UST.
- pumasa si Jonase sa UST
- pumasa si ate sa San Beda para mag-aral ng law
- pumasa ako this semester para siguradong hindi malipat sa Fatima
Dalawang rounds ang kailangan daanan ni Jonase bago tuluyang pumasa sa UST. Una, ang written exam kung sa'n ay pumasa na siya. Ang pangalawa, ang interview. Abril 01 nang sinamahan namin siya sa kanyang interview. Naka suporta lang kami sa kanya sa labas ng klasrum habang kausap niya ang titser sa loob. Kampante akong makapapasa siya lalo pa't alam ko kung gaano siya kahusay na mag-aaral. Matalino siyang bata; in fact, nagtapos siya ng elementarya noong nakaraang Marso 25, at nagtamo ng "Karangalang Banggit" (Honorable Mention).
So check na ang number one.
Noong gabing iyon din mismo lumabas ang resulta ng San Beda exam. Masayang-masaya kaming lahat nang malamang pumasa si ate. Check na rin ang number two. Ngayon, ako nalang ang hinihintay.
Abril 02, release of grades. Nakahanda ako sa kung anumang buhay ang naghihintay para sa akin ngunit di pa ako handang alamin kung ano ang buhay na iyon. Kaya naman naisip kong huwag na munang tingnan ang grades, "Magpapakasaya muna ako sa summer bago ko tingnan ang grades. Baka kasi last days ko na 'to ng vacation ko, eh." Sunod-sunod akong nakatanggap ng mga text messages mula sa aking mga kaibigan. Tila masasaya silang makita ang mga grades nila, though di naman talaga nila isinisiwalat na wala nga silang bagsak. "Ayoko pang tingnan ang grades," sagot ko sa kanila. Pero ewan ko ba kung anung sumapi sa'kin at napagdesisyunan kong tingnan na ang grades ko kinabukasan nang gabi. Nanginginig ang kamay ko habang itina-type ang website ng UST. Kabado talaga ako na hindi ko maintindihan. Wala talaga akong ideya kung papasa ako o kung babagsak. Basta isang bagay lang ang alam ko at 'yun ay ang umayon sa kung anong gusto ni Lord sa aking buhay.
Naramdaman kong pansamantalang tumigil ang heart beat ko habang paulit-ulit na tinitingnan ako grades ko. Hindi talaga ako makapaniwala. "Wala akong bagsak? Wala akong bagsak!" at tuluyan na 'kong naluha. Agad akong tumakbo papunta kay ate para sabihin ang magandang balita. "Ate! Ate!", iyak ko. Umiiyak din si ate nang lapitan ko siya. "Ate, wala akong bagsak!" Nagyakapan kami, parehong umiiyak dala ng kasiyahan. Ang bait talaga ni Lord! Check na rin ang number 3. :)
Comments
Post a Comment